
Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pakikipagtulungan sa Office of the Ombudsman para mahanap ang mga responsable sa pag-leak o pagkalat ng mga sensitibong personal data ng kanilang mga field investigators.
Kung saan inatasan ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahan ang nasabing insidente.
Ayon kay Nartatez, bilang ahensya na nagsasagawa rin ng imbestigasyon at intelligence-gathering, naiintindihan nito kung gaano kaseryoso ang nasabing kaso dahil kasama rito ang seguridad ng mga tauhan nito.
Nabatid na kinondena ng Office of the Ombudsman ang pagbubunyag online ng pagkakakilanlan ng kanilang mga imbestigador na tila may layon na takutin ang kanilang mga tauhan at ilagay sila sa panganib, at tinawag din nila itong isang direktang pag-atake sa seguridad ng mga lingkod-bayan.
Tiniyak naman ni Nartatez na hindi makakaligtas sa imbestigasyon ang mga nasa loob ng Ombudsman bilang bahagi ng cyber probe.
Kaukulang kaso naman ang naghihintay laban sa mga indibidwal na nasa likod ng pag-leak ng nasabing impormasyon.










