Tuesday, April 28, 2026

Apat na LTO enforcers, sinibak sa puwesto dahil sa pangongotong

Sinibak sa kanilang kasalukuyang puwesto ang apat na law enforcement officers ng Land Transportation Office–National Capital Region (LTO-NCR) dahil sa pagkakasangkot umano sa pangingikil noong April 23, 2026, sa kahabaan ng C3 Road sa Navotas City.

Inatasan ni LTO Chief at Assistant Secretary Markus Lacanilao ang apat na tauhan na isuko ang lahat ng law enforcement paraphernalia at iba pang pananagutan sa Operations Division matapos matanggap ang kanilang relief at reassignment orders.

Tiniyak din ng LTO chief sa publiko na magkakaroon ng masusi at patas na imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang lumabag.

Binigyang-diin ni Lacanilao na hindi nila kukunsintihin ang anumang pang-aabuso sa tungkulin.

Nananatili aniya ang LTO na nakahandang tiyakin na ang lahat ng kawani ay ginagampanan ang kanilang tungkulin nang may pinakamataas na antas ng integridad at propesyonalismo.

Facebook Comments