Monday, May 4, 2026

Senador, suportado ang pagpapaliban sa pagtaas sa singil sa matrikula sa Higher Education Institutions

Ipinanawagan na rin ni Senator Pia Cayetano ang pagpapaliban sa pagtaas ng matrikula sa mga kolehiyo at unibersidad sa gitna na rin ng patuloy na pagtaas sa mga gastusin ngayong may krisis.

Ayon kay Cayetano, sinusuportahan niya ang apela ng Commission on Higher Education (CHED) na ipagpaliban muna ng lahat ng mga unibersidad ang pagtaas sa matrikula dahil maraming mga pamilya ang nahihirapan sa patuloy na pagtaas sa presyo sa mga bilihin at serbisyo.

Hiniling ng senadora na dapat tiyakin na ang edukasyon ay mananatiling accessible lalo na sa mga panahon na nahaharap tayo sa hamon.

Paliwanag ni Sen. Pia, ang edukasyon ay susi sa pagwakas ng kahirapan at pagsisiguro ng intergenerational equity kaya hinimok niya na magtulungan ang pribadong sektor at ang gobyerno na pagaanin ang pasanin ng mga estudyante.

Pinakikilos naman ng mambabatas ang mga Higher Education Institutions (HEIs) na humanap ng alternatibong paraan sa pagtugon sa mga hamon sa kanilang operasyon na hindi pinapapasan sa mga estudyante at kanilang pamilya.

Facebook Comments