
Iginiit ni House Committee on Social Services chairperson at Davao Oriental Rep. Cheeno Almario na hindi totoo ang sinabi ni Senator Erwin Tulfo na hinarang ng Kamara ang paglalagay ng “Anti-Epal provisions” sa Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS Institutionalization Bill.
Paliwanag ni Almario, ang pagka-delay sa ratipikasyon ng panukala ay dahil sa “technical effort” na layuning matiyak na tumpak at maipatutupad ang mga “wording” o salitang gagamitin dito.
Ayon kay Almario ang kamara ay kapartner ng Senado kaya hindi dapat haluan ng hindi pagkakaunawaan ang pagsisikap nilang matagumpay na maipasa ang panukala.
Binanggit ni Almario na ang Kamara ay nakahanda kaya hinihikayat nya ang Senado na isapinal na nila ang wording o mga salitang gagamitin sa panukala para ito ay tuluyang maisabatas.
Kaugnay nito ay biniyang-diin ni Almario na ang AICS at iba pang uri ng ayuda ay hindi kailanman dapat gamitin ng sinumang opisyal para sa personal na promosyon, endorsement, o political advantage.










