
Tiniyak ng Malacañang na matatanggap ngayong taon ng mga kuwalipikadong kawani ng gobyerno ang kanilang 2024 Performance-Based Bonus (PBB) matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas nito.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sisimulan na ang pagproseso ng bonus at maaaring mas maagang maipamahagi ito sa ilang ahensiya depende sa bilis ng kanilang proseso.
Sinabi rin ni Castro na nakalaan na ang pondo para rito sa 2026 General Appropriations Act (GAA).
Para maging kwalipikado sa PBB, kailangang makakuha ang isang ahensiya ng hindi bababa sa 70 puntos sa performance assessment.
Inaasahang maglalabas ng hiwalay na guidelines ang mga kinauukulang ahensiya para sa implementasyon at pagpapalabas ng bonus sa mga kwalipikadong empleyado.










