
Dismayado si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na hindi agad inaksyunan ng Malacañang ang hirit na sertipikahang urgent ang panukalang 200-Peso wage hike para mga manggagawa sa buong bansa.
Reaksyon ito ni Cendaña makaraang sabihin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na pinaubaya pa nito sa “pag-aaral” ng mga regional wage boards ang wage increase.
Giit ni Cendaña, hindi na kailangangan aralin pa ang panukalang umento sa sahod dahil ang realidad ay nalulunod na ang mga Pilipino sa taas ng presyo ng bilihin.
Dagdag pa ni Cendaña, ang panukalang taas-sahod ay utang ni Pangulong Marcos sa mga manggagawa na dapat ay sa nakaraang Kongreso pa niya naisabatas.
Ayon kay Cendaña, ASAP na dapat ang pagsasabatas ng across the board minimum wage increase at hindi selected regions lang at hindi rin dapat barya at installment o pautay-utay na ibibigay.










