Naniniwala ang Malacañang na dapat personal na humarap si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial kung nais nitong patunayang wala siyang pananagutan sa mga akusasyon laban sa kanya.
Sa press briefing sa Vancouver, Canada, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang pagharap sa impeachment court ay pagkakataon ng bise presidente na direktang sagutin ang mga paratang at harapin ang mga testigong magsasalita laban sa kanya.
Karapatan ng bawat respondent o akusado na personal na humarap sa mga testigo at depensahan ang sarili sa harap ng hukuman.
Bagama’t hindi nakikialam ang Palasyo sa proseso ng impeachment at iginagalang ang mandato ng Senado, sinabi ni Castro na kung naniniwala ang kampo ni Duterte na inosente ito, mas mainam na patunayan iyon sa mismong paglilitis.
Aniya, ang pagharap sa impeachment trial ang pinakamalinaw na paraan upang maipakita sa publiko at sa buong mundo na wala siyang dapat itago.










