
Nag-umpisa na ngayong araw ang ika-40 Balikatan Exercise.
Sa opening ceremony kanina sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., na hindi lamang pisikal na lakas ang ipapamalas sa Balikatan, kundi ang mas matibay na kooperasyon at alyansa sa pagitan ng mga bansang katuwang sa seguridad sa Indo-Pacific Region.
Sa panig naman ni Lt. Gen James Glynn, US Balikatan director, sinabi nitong patunay lamang ang Balikatan ng malalim na ugnayan at deka-dekada nang partnership sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Sinabi rin ni Glynn na maliban sa mga bagong kaalaman at pagsasanay ay mayroon ding Humanitarian and Civic Assistance Program ang Balikatan na magbibigay ng tulong sa mga kababayan natin sa ilang lugar sa bansa.
Nabtid na nasa 14,000 tropa mula sa Estados Unidos, Pilipinas at Australia ang lalahok sa iba’t ibang pagsasanay na magtatagal hanggang sa May 9.
Sa bilang na ito, 9,000 mga sundalo ay mula sa US, 5,000 mula sa Pilipinas at 200 naman ay mula sa Australia.
Mayroon din 16 na bansa bilang observers kabilang ang Canada, Germany at United Kingdom.
Itatampok sa Balikatan ang joint exercises gaya ng Integrated Air and Missile Defense, Maritime Strike at Counter Landing Live Fire Exercises na bahagi ng mas malawak na Combined Joint All-Domain.