DALAWANG NPA, NAARESTO SA SAGUPAAN SA JONES, ISABELA

CAUAYAN CITY- Dalawang miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KCRV) ang naaresto ng 86th Infantry “Highlander” Battalion (86IB) matapos ang naganap na sagupaan sa Brgy. Dicamay II, Jones, Isabela, dakong alas-6 ng umaga kahapon, April 20, 2025.

Sa panayam ng IFM News Team kay Major Eduardo Rarugal, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, naganap ang palitan ng putok dakong alas-6 ng umaga matapos na makatanggap ng ulat ang militar ukol sa presensya ng armadong grupo sa nasabing lugar kung saan tinatayang walong rebelde ang nakaengkuwentro ng kasundaluhan.

Ayon kay Maj. Rarugal, agad na nagsagawa ng pagpapatrolya ang mga sundalo matapos matanggap ang impormasyon na nauwi sa sagupaan.

Dagdag pa niya, matagal nang may natatanggap na ulat ang militar hinggil sa presensya ng KCRV sa mga baybaying bahagi ng Isabela at sa bayan ng San Mariano, mga lugar na dating pinamumugaran ng grupo.

Gayunpaman, patuloy umano ang kanilang paglipat-lipat upang makaiwas sa mga operasyon ng militar, lalo’t aktibo ang mga sibilyan sa pagsusumbong ng kanilang presensya.

Kaugnay nito, patuloy pa ring inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang naaaresto na miyembro ng makakaliwang grupo.

Narekober naman mula sa insidente ang dalawang (2) M16A1 rifles, mga magazine, bala, at iba’t ibang personal na kagamitan.

 

Panuorin ang kanyang naging pahayag: CLICK HERE!

Facebook Comments