Saturday, January 17, 2026

2026 Budget, inilagay na sa Blockchain System

Nilagyan na ng gobyerno ng matibay na digital protection ang 2026 General Appropriations Act matapos itong ilagay ng Department of Information and Communications Technology sa blockchain system.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa mundo na may fully on-chain national budget, at unang legislative body sa Asia na gumamit ng blockchain para sa pambansang badyet.

Sa ilalim ng sistemang ito, hindi na mabubura ang digital record ng buong budget process, mula sa pag-apruba ng Kongreso, paglalabas at paggastos ng pondo ng mga ahensya, hanggang sa final reporting.

Ibig sabihin, bawat sentimo ng pondo ng bayan ay may digital footprint na hindi maaaring baguhin, burahin, o dayain, kahit magpalit pa ang administrasyon.

Ayon sa DICT, nagsisilbing transparency at integrity layer ang blockchain upang maiwasan ang ghost projects, lihim na pagbabago sa budget, at pagkawala ng opisyal na records.

Kasabay nito, inilunsad din ang isang public transparency portal, kung saan maaaring i-check ng media, civil society groups, at ng publiko ang opisyal na kopya ng national budget at subaybayan ang aktwal na paggastos ng pondo ng gobyerno.

Facebook Comments