Inaprubahan sa Local Development Council o LDC Meeting ng Dagupan City ang ilang mahahalagang panukalang budget at programa para sa pagpapatuloy ng serbisyo at mga development project ng lungsod.
Kabilang sa mga inaprubahan ang Supplemental Annual Investment Program No. 4 at Supplemental Budget No. 3 para sa 2026, gayundin ang 2027 Annual Investment Program o AIP at 2027 Local Expenditure Program o LEP.
Kasama sa mga tinalakay ang ₱105-million 5-percent Local Disaster Risk Reduction and Management Fund para sa 2027.
Sa naturang halaga, ₱73.5 milyon ang nakalaan para sa disaster prevention and mitigation, preparedness, response, rehabilitation at recovery, habang ₱31.5 milyon naman ang nakalaan bilang 30-percent Quick Response Fund.
Kabilang sa malalaking alokasyon ang ₱15 milyon para sa rubber boots ng disaster responders, ₱10 milyon para sa emergency go bags, emergency kits at iba pang emergency supplies, at ₱9.6 milyon para sa disaster response vehicles ng mga barangay.
May ₱8 milyon din para sa disaster response volunteer truck at ₱6.2 milyon para sa bagong disaster response truck ng CDRRMO. Ayon sa presentasyon, kailangang palitan ang kasalukuyang truck na binili pa noong 2013 dahil nakararanas na ito ng mechanical problems.
Nakapaloob din sa programa ang flood mitigation at cleanup operations, generator units, submersible pumps, rescue boats, life vests, firefighting equipment at iba pang rescue at emergency supplies.
Maglalaan din ng ₱1 milyon para sa tsunami early warning siren system, partikular sa mga barangay na wala pang ganitong kagamitan, habang may pondo rin para sa warning signages sa island at coastal barangays.
Dinaluhan ang LDC meeting ng mga opisyal ng lungsod sa pangunguna mismo ni Mayor Belen Fernandez, department heads, barangay captains, national government agencies at civil society organizations.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng mga panukalang programa at budget na tugunan ang aktuwal na pangangailangan ng mga Dagupeño at palakasin ang kahandaan ng Dagupan sa mga kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










