BAGONG POLICE STATION, ITATAYO SA ALAMINOS CITY; GROUND BREAKING IDINAOS

Isang bagong Police Station ang itatayo sa Alaminos City matapos isagawa ang groundbreaking ceremony para sa bagong PNP Standard Building at perimeter fence ng Alaminos City Police Station sa Barangay Tanaytay, Old Bypass, noong Oktubre 1.

Layunin ng proyekto na magkaroon ang mga pulis ng mas ligtas, maayos at mas angkop na pasilidad upang higit na mapalakas ang kanilang operasyon at paghahatid ng serbisyo sa mga residente.

Nakatayo ang bagong police station sa 1,986-square-meter na lupang ipinagkaloob ng City Government of Alaminos sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Arth Bryan Celeste, sa inisyatiba at suporta ni Congressman Arthur Celeste.

Pinangunahan ang groundbreaking ceremony ng mga opisyal ng Philippine National Police, kabilang sina Police Regional Office 1 Director PBGen Crisaleo Tolentino at Pangasinan Police Provincial Office Officer-in-Charge PCOL Dennis De Leon, kasama ang pamunuan ng Alaminos City Police Station sa pangunguna ni PLTCOL Jan Ringgo Quintinita.

Pinangunahan naman ni Rev. Fr. Roberto “Bob” Casaclang ang basbas at panalangin para sa matagumpay na pagsasakatuparan ng proyekto.

Inaasahang magiging mas secure, functional at conducive sa pagtatrabaho ang bagong pasilidad, na makatutulong sa mga pulis sa pagbibigay ng mas mabilis, episyente at responsive na serbisyo sa publiko.

Itinuturing ang proyekto na bunga ng pagtutulungan ng PNP, City Government of Alaminos, national government agencies, tanggapan ni Congressman Arthur Celeste at ng komunidad tungo sa mas ligtas at mas maayos na Alaminos City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments