
Umapela si Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan na aksyunan muna ang mga mosyong inihain niya bago maglabas ng anumang warrant of arrest kaugnay ng kasong plunder laban sa kanya.
Ayon kay Estrada, kasabay ng pagpiyansa niya sa mga kasong graft noong Biyernes, agad na nagsampa ang kaniyang mga abogado ng mga pleading na naglalayong pag-isahin ang mga kaso at ipagpaliban ang paglalabas ng warrant of arrest.
Ngayong araw, nagsampa rin ang kaniyang legal team ng isang urgent omnibus motion ad cautelam na humihiling na ibasura ang impormasyon, ipatigil ang kaso, o kaya’y isuspinde ang mga pagdinig at ibalik ito para sa muling imbestigasyon.
Naniniwala ang senador na karapatan niyang gamitin ang lahat ng legal na remedyo na pinahihintulutan ng batas lalo’t noong Biyernes ng gabi lamang niya natanggap ang kopya ng resolusyon ng Ombudsman sa kasong plunder.
Binigyang-diin ni Estrada na hindi ito pag-iwas sa pananagutan kundi paggigiit ng kaniyang karapatan sa due process.
Handa ang senador na harapin ang kaso at patunayang walang katotohanan ang mga akusasyon laban sa kanya.










