Isang mahalagang hakbang ngayon ang pagsusulong ng mas matatag na energy security at pagtatag ng Strategic Fuel Reserves Program para sa Pilipinas maging sa ASEAN, katuwang ang Japan.
Ito ay sa gitna na rin ng nararanasang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, sa pamamagitan nito ay mas magiging handa ang bansa sa ano mang global supply disruptions at mas mapoprotektahan ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Sa ilalim aniya ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinatibay pa ng Pilipinas at Japan ang kooperasyon sa energy security sa pamamagitan ng bagong partnership sa pagitan ng DOE at Ministry of Economy, Trade and Industry (METI) ng Japan.
Sinusuportahan ng naturang kasunduan ang pagtatatag ng Strategic Petroleum Reserve Program sa tulong ng Japan sa pagsasagawa ng feasibility studies, technical expertise, financing opportunities.
Kasama na rin dito ang kooperasyon sa mga institusyon at mga kumpanya sa Japan sa pag-develop ng modern fuel stockpiling facilities.
Ang partnership ng dalawang bansa ay para maprotektahan ang bansa sa global supply disruptions at pabago-bagong presyo ng petrolyo.











