3 batang lalaki, patay matapos malunod sa Odiongan Bay sa Romblon

Manila, Philippines-Patay na nang makarating sa Romblon Provincial Hospital ang tatlong batang magkakaibigan nang malunod sa Odiongan Bay, Barangay Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon.

 

Kinilala ang mga namatay na sina Daniel Jacob Teano Taneza, 11; Heaven Aizeh Adel Fababaer, 8, at Mike David Atilano Panoy, 10, pawang mga estudyante at residente ng naturang lugar.

 

Ang nakaligtas naman na si Miguel Llorca Valenzuela, 8, ay patuloy na ginagamot sa parehong ospital.

 

Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, nagkayayaan umano ang magkakaibigan na maligo subalit hindi nakayanan ang malakas na alon hanggang sa inanod sila sa malalim na bahagi ng dagat.

 

Masuwerteng nakaligtas ang isa sa mga kasama ng biktima at agad na nakahingi ng tulong.

 

Ang mga biktima ay nakita ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard Odiongan makalipas ang dalawang oras na paghahanap.

Facebook Comments