Wednesday, April 22, 2026

Kaligtasan ni Zaldy Co sa pagbabalik nito sa Pilipinas, tiniyak ng Palasyo

Tiniyak ng Malacañang ang kaligtasan ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa oras na maibalik siya sa Pilipinas upang harapin ang mga kasong may kaugnayan sa umano’y flood control scandal.

Kasunod ito ng pahayag ni Sen. JV Ejercito na malaking hamon ang seguridad ni Co dahil may mga grupo umanong ayaw siyang makabalik at tumestigo sa kontrobersiyal na flood control projects.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pananagutan ng pamahalaan na tiyaking ligtas ang sinumang Pilipinong umuuwi ng bansa, pero kailangan munang beripikahin ang umano’y death threats laban kay Co.

Una nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginagawa na ng gobyerno ang lahat ng legal at kinakailangang hakbang para maibalik si Co sa bansa.

Ayon sa pangulo, magpapadala rin ng high-level coordination team upang tutukan ang kaso at mapabilis ang proseso ng kanyang pagbabalik.

Facebook Comments