300 PUNLA NG BAKAW, ITINANIM SA ILOCOS SUR BILANG PAGGUNITA SA INTERNATIONAL DAY FOR THE CONSERVATION OF THE MANGROVE ECOSYSTEM

Nagtanim ng kabuuang 300 punla ng bakawan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Regional Office I sa Barangay Bia-o, Santa Maria, Ilocos Sur noong Hulyo 23, 2026 bilang paggunita sa International Day for the Conservation of the Mangrove Ecosystem (IDCME).

Pinangunahan ng pamahalaang lokal ng Santa Maria ang pakikiisa sa aktibidad kasama ang mga kinatawan mula sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Municipal Administrator’s Office, Municipal Tourism Office, Philippine Coast Guard (PCG), DENR Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Ilocos Sur, Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Bantay, mga opisyal ng Barangay Bia-o, at mga residente ng komunidad.

Umabot sa 52 kalahok, kabilang ang 17 kababaihan at 35 kalalakihan, ang nakiisa sa pagtatanim ng mga punla ng Avicennia at Rhizophora, dalawang uri ng bakawang mahalaga sa pagpapanumbalik at pagpapatibay ng mga baybaying ekosistema ng bayan.
Kasabay ng pagtatanim ng bakawan, nagsagawa rin ang DENR ng Communication, Education, and Public Awareness (CEPA) Campaign upang palawakin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pangangalaga at konserbasyon ng mga bakawan bilang mahalagang bahagi ng yamang baybayin. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments