Tuesday, July 21, 2026

𝗠𝗔𝗚-𝗟𝗜𝗩𝗘-𝗜𝗡 𝗣𝗔𝗥𝗧𝗡𝗘𝗥, 𝗞𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗦𝗢𝗡𝗚 𝗨𝗡𝗝𝗨𝗦𝗧 𝗩𝗘𝗫𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗔𝗧 𝗣𝗔𝗚𝗦𝗨𝗪𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗔𝗪𝗧𝗢𝗥𝗜𝗗𝗔𝗗

CAUAYAN CITY- Arestado ang mag live-in partner matapos umanong lumabag sa ordinansa ng lungsod at tumangging sumunod sa utos ng mga pulis sa Brgy. San Fermin, Cauayan City noong ika-17 ng Hulyo.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Joko”, 42-anyos, isang driver at alyas “Jane” 38-anyos na pawang mga residente ng Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela habang ang biktima naman ay kinilalang si alyas “ Jonard”, isang tricycle driver at residente ng Brgy. Cabaruan sa nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, naghihintay umano ng pasahero ang biktima nang mapansin nito ang dalawang suspek na umiihi sa pampublikong lugar. Dahil dito, nilapitan niya ang mga ito at nagpakilalang Volunteer Radio Patroller upang paalalahanan na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-ihi sa pampublikong lugar.

Gayunpaman, sa halip na sumunod, kinompronta umano ng lalaking suspek ang biktima at hinamon pa ito ng suntukan. Dahil dito, agad na kinuha ng biktima ang kaniyang handheld radio upang ipagbigay-alam ang insidente sa kanilang Command Center. Habang ginagawa ito, patuloy umanong iginiit ng mga suspek na wala silang nilabag na ordinansa at minura pa ang biktima.

Sa pagdating ng mga awtoridad, sinubukan nilang pakalmahin ang sitwasyon, ngunit tumanggi umano ang mga suspek na sumunod sa kanilang mga utos. Patuloy rin umano nilang kinunan ng video ang mga pulis at hinamon ang kanilang awtoridad, na nagresulta sa kanilang agarang pag-aresto.

Ipinaalam sa mga suspek ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto at ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine bago sila dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong Unjust Vexationsa ilalim ng Article 287 ng Revised Penal Code at Disobedience to an Agent of Person in Authority sa ilalim ng Article 151 ng Revised Penal Code.

Patuloy naman ang isinasagawang inbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Facebook Comments