OPERASYON NG ISANG PISONET SA BARANGAY PANTAL, DAGUPAN CITY IPINATIGIL

Ipinatigil ng mga awtoridad ang operasyon ng isang pisonet establishment sa Barangay Pantal, Dagupan City matapos matuklasang nagbubukas pa rin ito kahit mayroon nang naunang closure notice mula sa pamahalaang lungsod.

Ito ay matapos magsagawa ng ordinance enforcement operation ang Dagupan City Police Office (DCPO) sa pamamagitan ng mga tauhan ng Police Station 1 (PS 1) katuwang ang mga opisyal ng Barangay Pantal noong Hulyo 20 ng gabi.

Sa isinagawang inspeksyon, nakita umano ng mga pulis ang tatlong menor de edad na naglalaro sa loob ng naturang pisonet.

Agad silang inasikaso ng mga awtoridad at itinurn-over sa mga opisyal ng barangay bago ligtas na naibalik sa kanilang mga magulang o guardian.

Kasabay nito, kinumpiska ng pulisya ang walong coin-operated computer units na ginagamit sa operasyon ng establisyimento.

Ang mga nakumpiskang kagamitan ay idinokumento at dinala sa Police Station 1 para sa kustodiya habang hinihintay ang kaukulang legal na aksyon.

Ayon sa DCPO, isinagawa ang operasyon kaugnay ng pagpapatupad ng City Ordinance No. 2383-2026 at bilang bahagi ng kampanya upang matiyak ang pagsunod ng mga negosyo sa mga umiiral na regulasyon sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments