IBA’T IBANG SERBISYO, INIHATID SA MGA RESIDENTE NG MANAOAG

Ipinamalas ang diwa ng bayanihan at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon sa matagumpay na pagsasagawa ng ika-5 Gift-Giving Activity ng National Police Commission (NAPOLCOM) Regional Office No. I noong Hulyo 23 sa Barangay Pugaro, Manaoag, Pangasinan.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-31 Police-Community Relations Month, nagtulong-tulong ang NAPOLCOM, Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Dental Association–Pangasinan Chapter, Rural Health Unit ng Manaoag, at Ming Kusina Food Truck upang maghatid ng iba’t ibang serbisyong pangkomunidad at tulong sa mga residente.

Nagsagawa ng libreng gupit ang mga boluntaryong tauhan ng PNP at AFP, habang nagbigay naman ang Philippine Dental Association–Pangasinan Chapter ng libreng serbisyong dental.

Nagkaloob din ang Rural Health Unit ng Manaoag ng libreng konsultasyong medikal at over-the-counter na gamot sa mga nangangailangan.

Samantala, naghain din ng libreng almusal at meryenda para sa mga dumalo sa aktibidad, na naging dagdag-suporta sa isinagawang programa.

Bukod sa mga serbisyong ito, namahagi rin ang NAPOLCOM at mga katuwang nito ng 100 grocery packs, 100 hygiene kits na may kasamang matatamis para sa mga bata, 200 pakete ng pre-loved na damit at laruan, 200 pares ng tsinelas, 100 bote ng bitamina para sa mga bata, at 200 meals sa mga benepisyaryo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments