Tuesday, July 21, 2026

𝗩𝗜𝗥𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗨𝗠𝗔𝗡𝗢’𝗬 𝗞𝗔𝗥𝗘𝗥𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗝𝗘𝗘𝗣 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔, 𝗜𝗡𝗜𝗜𝗠𝗕𝗘𝗦𝗧𝗜𝗚𝗔𝗛𝗔𝗡; 𝗗𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗧𝗦𝗨𝗣𝗘𝗥, 𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗡𝗗𝗜𝗗𝗢 𝗡𝗔!

‎Cauayan City – Nagpatawag ng agarang aksyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela matapos kumalat sa social media ang video ng dalawang pampasaherong jeep na umano’y nagkarera sa Naguilian-San Mariano Road sa Brgy. San Manuel, Naguilian.

‎Umani ng batikos ang insidente dahil makikitang lampas sa kapasidad ang mga pasahero, kabilang ang mga estudyanteng nakasakay sa bubong ng mga sasakyan.

‎Sa utos ni Governor Rodolfo T. Albano III, nagsagawa ng imbestigasyon ang Naguilian Municipal Police Station kasama ang Provincial Public Safety Office.

‎Naging mahalagang ebidensya sa imbestigasyon ang viral na video at mga kuha ng CCTV ng barangay na nagamit sa pagtukoy sa mga sasakyan at mga tsuper.

‎Bilang bahagi ng aksyon, nagsilbi ang LTO Ilagan Sub-Office ng show cause orders sa dalawang driver kung saan isinailalim ang kanilang driver’s license sa 90-araw na preventive suspension.

‎Isinailalim na rin sila sa preventive suspension ng kanilang transport cooperative habang hinihintay ang pinal na desisyon ng LTO at LTFRB.

Facebook Comments