Hindi lamang pag-iisang dibdib ang ipinagdiwang ng mga benepisyaryo ng Libreng Kasal 2026 – Batch 2 sa Alaminos City, kundi maging ang kanilang pangakong pangalagaan ang kalikasan.
Bilang bahagi ng programa ng Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni City Mayor Arth Bryan Celeste, nakiisa ang mga bagong kasal sa mangrove propagation at coastal clean-up na isinagawa sa Lucap at Bued Mangrove Eco-Park. Ang aktibidad ay nagsilbing simbolo ng kanilang panibagong simula bilang mag-asawa at ng kanilang responsibilidad sa pangangalaga ng kalikasan.
Matapos ang environmental activities, tinanggap ng mga bagong kasal ang kanilang Certificate of Marriage at mga souvenir photo kasunod ng Orientation on Legitimation Activities.
Napanood din nila ang maikling dulang “Ipa-rehistro Mo Ako,” na nagbigay ng impormasyon tungkol sa kahalagahan ng wastong pagpaparehistro ng kapanganakan at pagwawasto ng mga karaniwang pagkakamali sa mga dokumento ng City Civil Registry Office.
Nagbigay rin ng mensahe sina Statistical Specialist II Analiza Orperia ng Philippine Statistics Authority o PSA-Pangasinan, bilang kinatawan ni Supervising Statistical Specialist at OIC-PSO Verna Palsimon, at si Executive Assistant Jeffrey Onia.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Alaminos, layunin ng programa na hindi lamang pagtibayin ang samahan ng mga bagong kasal kundi hikayatin din silang maging katuwang sa pangangalaga ng kalikasan at pagsusulong ng napapanatiling kaunlaran sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










