
Inimbestigahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang isang motorcycle taxi platform matapos umanong magpasok ito ng mas maraming rider sa kanilang online system kaysa sa pinapayagan ng pamahalaan.
Ayon sa LTFRB, hindi pa pinal ang kanilang inilabas na desisyon dahil sa nakabinbing motion for reconsideration na inihain ng naturang kumpanya.
Hindi rin muna nagbigay ng karagdagang detalye ang ahensya dahil nagpapatuloy pa ang legal na proseso.
Sa ngayon, nakatutok ang LTFRB sa kapakanan ng libo-libong rider na naapektuhan ng umano’y paglabag, partikular ang mga naglabas ng sariling puhunan sa paniniwalang legal silang makakapag-operate.
Gumagawa na rin ang ahensya ng mga hakbang upang matugunan ang sitwasyon ng mga apektadong rider at matiyak na sumusunod sa regulasyon ng pamahalaan ang online registration system ng mga ride-hailing service.
Tiniyak naman ng LTFRB na patuloy nilang pangangalagaan ang kapakanan ng mga pasahero at mga manggagawa sa sektor ng pampublikong transportasyon.










