Monday, April 20, 2026

6 PNP personnel, inalis sa puwesto kaugnay ng alegasyon sa barracks rental kickback scheme

Kinumpirma ni Training Service acting Director Rolindo Suguilon na anim na tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang sinuspinde o inalis sa pwesto kaugnay ng alegasyon sa “barracks rental kickback scheme” sa Cordillera Region.

Nabatid na kumalat sa social media ang viral post tungkol sa umano’y scheme kung saan ang mga tauhan ng Regional Special Training Units ay nasangkot sa Field Training Program para sa mga police trainees.

Ayon sa naturang alegasyon, ang mga trainees na idene-deploy sa mga police station ay pinatitira sa mga billeting facility na nirentahan sa pribadong may-ari, at may sinasabing kickback na P500 kada trainee kada buwan ang napupunta sa ilang personnel.

Sinabi ni Suguilon na kasalukuyan nang iniimbestigahan ang naturang isyu upang matukoy kung may katotohanan ito.

Kaugnay nito, isasagawa rin ang backtracking dahil ang huling Field Training Program ay noong Disyembre ng nakaraang taon pa, at wala ring naitalang pormal na reklamo mula sa mga trainees.

Tiniyak ng PNP na gagawin nila ang lahat upang maberipika ang mga alegasyon at matukoy ang buong katotohanan sa insidente.

Facebook Comments