Sunday, May 17, 2026

Posibilidad ng mas malalakas na bagyo, kabilang ang super typhoon, binabantayan ng PAGASA

Binabantayan ngayon ng PAGASA ang posibilidad na magkaroon ng mas malalakas na bagyo, kabilang ang super typhoon, kasabay ng inaasahang pagpasok ng El Niño phenomenon sa bansa sa mga susunod na buwan.

Paliwanag ni Climate Monitoring and Prediction Section Head Ana Solis, hindi nangangahulugan na kapag may El Niño ay puro tagtuyot lamang ang mararanasan.

Ayon kay Solis, maaari rin itong magdala ng matitinding bagyo na may kasamang malalakas na ulan at hangin.

Batay sa pagtaya ng PAGASA, posibleng maranasan ang naturang lagay ng panahon mula Setyembre hanggang Nobyembre 2026.

Maari umanong maihalintulad ang magiging pattern sa mga nagdaang taon gaya ng 2023 at 2024 kung saan nakapagtala ng ilang malalakas na bagyo sa kabila ng umiiral na El Niño.

Noong 2024, pito sa labing-isang bagyong pumasok sa bansa ang itinuturing na malalakas.

Patuloy na hinihikayat ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag at handa sa posibleng epekto ng pabago-bagong kondisyon ng panahon, upang maiwasan ang pinsala sa buhay at ari-arian.

Facebook Comments