
Kinumpirma ng Environmental Management Bureau Region 7 na inalis na nito ang cessation of operations order o pagpapatigil ng operasyon na una nang inilabas laban sa Monterrazas de Cebu sa Cebu City.
Ito ay matapos matugunan ng The Mont property group, Inc. ang mga corrective measures na itinakda sa kanilang Environmental compliance Certificate (ECC).
Ayon kay EMB region 7 regional director Atty. John Edward Ang, ang pagbibigay ng lift order ay base sa compliance at pagbabayad ng Monterrazas ng multa sa paglabag sa mga alituntunin ng ECC.
Paliwanag ng EMB-region 7, nakapagtayo na ang project proponent ng 23 detention ponds na may kabuuang kapasidad na tinatayang 52,468 cubic meters.
Ang mga pond na ito ay dinisenyo upang makontrol ang surface run-off, pabagalin ang peak flows, at makatulong na maiwasan ang pagbaha sa mga komunidad sa ibaba ng Monterrazas residential project.
Matatandaang sinampahan ng DENR ng kasong kriminal ang developer ng Monterrazas dahil sa mga paglabag sa Philippine Clean Water Act matapos ituro itong sanhi ng malawakang pagbaha at landslide sa lalawigan ng cebu nang tumama ang bagyong tino noong nobyembre 5, 2025.










