‎Umabot sa 76 indibidwal ang naaresto ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa magkakahiwalay na operasyon laban sa ilegal na sugal sa Ilocos Region mula September 1 hanggang 6, 2026.


‎Isinagawa ang kabuuang 20 operasyon na naglalayong sugpuin ang iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na pagsusugal, kabilang ang illegal number games, jueteng, dice, coin games at sports ball.

‎Bukod sa mga pag-aresto, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang kabuuang ₱33,457 na bet money na nakumpiska sa isinagawang mga operasyon.

‎Binigyang-diin ni PRO 1 Regional Director PBGEN Crisaleo R. Tolentino na magpapatuloy at paiigtingin pa ng kapulisan ang kampanya laban sa ilegal na pagsusugal.

‎Ayon kay Tolentino, hindi nagtatapos sa mga pag-aresto ang kanilang operasyon at patuloy na palalakasin ang presensya ng pulisya sa mga komunidad upang mapigilan ang paglaganap ng mga naturang aktibidad.

‎Hinimok din ng opisyal ang mga tauhan ng pulisya na manatiling mapagbantay at ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang ligtas, mapayapa at maayos na mga pamayanan.


‎Samantala, sinabi ng PRO 1 na patuloy nitong isasagawa ang mga proactive operation laban sa ilegal na sugal at paiigtingin ang koordinasyon sa mga komunidad at lokal na stakeholder bilang bahagi ng kampanya nitong sugpuin ang mga ipinagbabawal na aktibidad sa buong Ilocos Region. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments