‎Ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan si Police Colonel Dennis L. De Leon, Officer-in-Charge Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), bilang pagkilala sa kanyang huwarang pamumuno at mahalagang ambag sa matagumpay na pagresolba sa isang hostage-taking incident sa Bugallon, Pangasinan.

‎Ipinagkaloob mismo ni Police Brigadier General Crisaleo R. Tolentino, Regional Director ng Police Regional Office 1 (PRO 1), ang parangal kay De Leon sa isinagawang Monday Flag Raising and Awarding Ceremony sa Camp Gov. Antonio U. Sison sa Lingayen.

‎Ayon sa pagkilala, naging mahalaga ang pamumuno ni De Leon sa epektibong pagtugon ng Pangasinan PNP sa naturang insidente, na nagresulta sa ligtas na pagsagip sa bihag at pagkakaaresto sa suspek.

‎Naging susi sa matagumpay na operasyon ang mabilis na pagtugon ng mga pulis, mahusay na negosasyon, at maagap at mapagpasyang taktikal na pagkilos ng mga rumespondeng tauhan.

‎Binigyang-diin din sa pagkilala ang mahalagang papel ng Pangasinan PPO SWAT Team at Bugallon Police Station, na kapwa nagpakita ng propesyonalismo, tapang, at dedikasyon upang ligtas na maresolba ang kritikal na sitwasyon.

‎Itinuturing ang parangal kay De Leon bilang patunay ng kanyang matatag na pamumuno at ng sama-samang pagsisikap ng mga tauhan ng Pangasinan PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagprotekta sa buhay, at pagtiyak sa kaligtasan ng komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments