
Inisyuhan ng Show Cause Order ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang 9 na motorcycle platforms provider kaugnay ng imbestigasyon sa paglobo ng bilang ng MC Taxi na bumabiyahe kahit hindi awtorisado ng nasabing ahensya.
Base kasi sa umiiral nilang rules and regulations, ang mga unit na awtorisado ng ahensya lang ang maaaring bumiyahe at i-onboard sa mga ride hailing app, pero sa pamamahagi ng fuel subsidy, nadiskubre na hindi tugma ang bilang ng mga TNVS at MC Taxi na pumila sa ayuda sa listahan na isinumite ng mga Transport Network Company (TNC) at MC Taxi Platform Provider.
Sa ngayon, umabot na sa 30 ang kabuuang bilang ng ride-hailing companies na iniimbestigahan ng ahensha dahil sa iligal na onboarding ng mga TNVS at MC Taxi.
Pinagsusumite na rin ang mga ito ng written explanation para ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat suspendihin o ipawalang bisa ang kanilang authority to operate dahil sa paglabag sa pag o-onboard ng mga riders at sasakyan na sobra pa sa awtorisadong CAP ng LTFRB at hindi pag a-update ng listahan ng mga aktibong miyembro sa kanilang platform.
Samantala, isasagawa naman ang pagdinig sa nasabing imbestigasyon na may kaugnayan sa MC Taxi sa May 15.










