
Inaasahang magpipresenta sa plenaryo ng Kamara si House Committee on Ethics and Privileges Chairman at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Representative JC Abalos ng panibagong rekomendasyon kaugnay sa iba pa o panibagong kinakaharap na ethics complaint ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Kamakailan ay naghain si House Deputy Speaker Janette Garin ng dalawang ethics complaints laban kay Barzaga dahil sa paulit-ulit na hindi akma o nararapat na asal nito.
Sinabi naman ni Barzaga na walang problema sa kanya kung sakaling ma-expel o maalis siya bilang kongresista dahil marami namang oportunidad para sa kanya.
Natapos na ang ikalawang 60-day suspension na ipinataw ng Kamara kay Barzaga at kahapon ay nakadalo na sya muli sa plenary session.
Nagpost uli si Barzaga sa kanyang social media account ng maikling video habang siya ay nasa plenaryo na tinawag niyang “crocodile farm.”
Sinasabi niya sa video na “ang daming mga buwaya, ang daming magnanakaw” pero ngayong balik-trabaho na siya ay ihahatid daw niya ang hustisya.










