
Pasado ang 18,350 mula sa 147,437 applicants sa University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) para sa A.Y. 2026-2027.
Kung ikukumpara noong nakaraang taon, mas marami ang applikante at mas marami rin ang nakapasa ngayong taon, kung saan sumipa sa 57.1% mula sa 55% ang mga qualifiers mula sa pampublikong eskwelahan habang karamihan naman dito ay mula sa labas ng National Capital Region.
Sinimulan ngayong araw, April 22 ng UP Office of Admissions ang pagbibigay ng admission notice sa mga aplikanteng nakapasa kung saan 32.4% dito ay sa UP Diliman, habang ang 36.52% naman nito ay sa UP Los Baños at UP Manila.
Samantala, sinabi naman ni UP President Angelo Jimenez na handa ang kanilang support systems para sa mga estudyanteng hirap pa rin sa pang araw-araw na gastusin sa kabila ng free tertiary education, gaya ng Lingap Iskolar Program, Living Expenses Allowance Program, at iba pang umiiral na national at university-based support mechanisms.
Matatandaang isinagawa ang naturang admission test noong August 2025 sa 117 testing centers sa buong bansa.










