Thursday, April 16, 2026

PBBM, nanawagan sa mga bansa sa Asya magkaisa laban sa krisis sa enerhiya

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga bansa sa Asia na magkaisa laban sa kasalukuyang krisis sa enerhiya.

Sa isinagawang online summit ng Asia Zero Emission Community (AZEC) Plus na pinangunahan ng Japan, iginiit ng pangulo na hindi kayang harapin ng iisang bansa lang ang epekto ng malawakang problema sa suplay ng enerhiya.

Dagdag pa niya, patuloy ang hakbang ng Pilipinas para patibayin ang suplay ng enerhiya sa pangmatagalan.

Inamin din ng pangulo na umaasa pa rin ang bansa sa imported na langis para sa transportasyon, industriya, ospital, at kabahayan.

Kabilang sa mga ginagawa ng pamahalaan ang paghahanap ng iba’t ibang mapagkukunan ng langis, hindi lang mula sa Middle East, at pagrepaso sa minimum na imbentaryo ng suplay ng petrolyo.

Plano ring dagdagan ang reserba ng langis mula 15 araw para gawing 30 araw, at ang LPG mula pitong araw ay itataas sa 21 araw.

Bukod dito, pinapabilis din ang pagtatayo ng Strategic Petroleum Reserve ng bansa, pagpapalawak ng paggamit ng electric vehicles, at pagpapatupad ng mga programang tipid-enerhiya.

Layunin din ng pamahalaan na palakasin ang paggamit ng biofuels upang mabawasan ang pag-asa sa inaangkat na langis.

Ang AZEC ay isang samahan ng mga bansang Asyano na nagtutulungan sa usapin ng energy security, na inilunsad ng Japan noong 2022.

Facebook Comments