
Pormal nang sinampahan ng reklamo ang pitong kadete na sangkot sa umano’y hazing sa mahigit 20 underclass cadets sa loob ng Philippine National Police Academy (PNPA) noong April 13.
Ayon sa imbestigasyon, pinahirapan umano ng mga suspek ang mga biktima matapos lagyan ng pinaghalong drain cleaner at muriatic acid ang kanilang mga katawan, na nagdulot ng mga paso at iba pang pinsala. May ilang biktima rin umanong tinamaan sa maselang bahagi ng katawan.
Bukod sa pitong kadete, sinampahan din ng kaso ang Tactical Officer of the Day at isang Tactical PNCO.
Isinampa ang mga reklamo para sa paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 o Republic Act No. 11053 sa Office of the Provincial Prosecutor sa Imus, Cavite sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) para sa administratibong pananagutan ng mga sangkot.
Matatandaang tinanggal din sa pwesto ang siyam na opisyal, kabilang ang direktor ng PNPA, kaugnay ng insidente.










