Monday, April 20, 2026

Vlogger na nagpahabol sa empleyadong gasoline attendant sa Cagayan, inisyuhan ng show cause order ng LTO

Ipinatatawag na ng Land Transportation Office (LTO) ang vlogger, driver at registered owner ng sasakyang sangkot sa isang viral video na pinahabol ang isang matandang gasoline attendant sa Maharlika Highway sa Allacapan, Cagayan.

Ito ay kasunod ng pagkalat sa social media ng video ng isang vlogger na sinadyang magpahabol sa kaniyang empleyado at umalis nang hindi umano nagbabayad.

Dahil dito, inisyuhan sila ng show cause order ng LTO para magsumite ng sinumpaang salaysay at magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng reklamo gaya ng reckless driving.

Posible rin silang ideklarang improper person to operate a motor vehicle alinsunod sa batas.

Bukod sa show cause order, pinasusuko rin ng LTO ang lisensya ng driver na inilagay na sa 90 araw na preventive suspension habang nasa alarm status naman ang SUV na ginamit sa viral video.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao, hindi katanggap-tanggap at walang puwang sa kalsada ang ganitong uri ng gawain kahit biro o para sa content.

Tinawag din itong iresponsable at kawalan ng malasakit lalo na sa kinahaharap ngayong krisis dahil sa mataas na presyo ng langis.

Sinabi ni Lacanilao na dating alkalde ang may-ari ng sasakyan na kumuha ng video habang anak naman niya ang driver.

Ayon sa LTO, hindi dapat gamitin ang mga sasakyan sa mga iresponsable, mapang-abuso, o mapagsamantalang gawain.

Facebook Comments