Friday, April 17, 2026

Mga kababayang kabilang sa “near-poor”, ipinasasama ng isang senador sa mabibigyan ng tulong-pinansyal

Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian sa gobyerno na isama sa mga bibigyan ng tulong-pinansyal ang mga kababayang kabilang sa “near-poor”.

Tinukoy ni Gatchalian na bukod sa mga mahihirap at apektado rin ng inflation dulot ng pagtaas sa presyo ng langis ang mga near-poor household o mga naghihikahos sa pang-araw-araw na buhay.

Isinusulong ng senador na palawakin ang financial aid bukod sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Hiniling ni Gatchalian na bigyan ng P2,500 na tulong-pinansyal ang nasa 1.32 million na near-poor families at mangangailangan ang gobyerno ng dagdag na P9.9 billion na pondo para rito.

Umapela rin ang mambabatas na bigyan ng P1,500 kada buwan, sa loob ng tatlong buwan ang mga benepisyaryo ng 4Ps o katumbas ng 4.4 na pamilya kung saan P19.8 billion naman ang pondong kailangan dito.

Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang mabigyang proteksyon ang mga kababayan at matiyak na ang mga mahihirap ay hindi lalong malulubog habang ang mga kinakapos ay hindi babagsak sa kahirapan.

Facebook Comments