AGARANG PAG-UULAT SA BFP SA ANUMANG INSIDENTE NG SUNOG, HINIMOK NG SK FEDERATION NG CALASIAO; PAGKUHA NG VIDEO AT PAGLA-LIVE, HUWAG UNAHIN

Hinimok ng Sangguniang Kabataan Federation ng Calasiao ang publiko na unahin ang agarang pag-uulat sa Bureau of Fire Protection o BFP sa oras na makakita ng sunog, sa halip na mag-video o mag-live sa social media.

Ito ay kasunod ng insidente ng sunog sa isang tindahan ng plasticware sa Poblacion, Calasiao noong Nobyembre 2.

Sa inilabas na pahayag ng SK Federation, ibinahagi na ayon sa isang residenteng tumawag sa BFP, marami umanong indibidwal ang nag-live sa social media at kumuha ng video bago pa naiulat ang insidente sa mga awtoridad.

Binigyang-diin ng grupo na mahalaga ang bawat segundo sa oras ng sunog dahil mabilis na maaaring kumalat ang apoy at lumaki ang pinsalang maidudulot nito.

Sa panayam naman ng iFM News Dagupan sa barangay kaugnay ng insidente, tiniyak na agad na rumesponde ang mga bumbero upang apulahin ang apoy.

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng SK Federation ang publiko na tiyaking beripikado ang impormasyon bago magbahagi ng mga post o magturo ng sinumang dapat sisihin.

Hinimok din ang lahat na bigyan ng sapat na espasyo ang mga rumespondeng bumbero upang hindi mahadlangan ang kanilang operasyon at mas mabilis na maapula ang sunog. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments