Isinusulong ni Pangasinan 4th District Representative Gina de Venecia ang pagpapalawak ng proteksiyon sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagsama sa mga produktong pangisdaan at aquaculture sa saklaw ng crop insurance.
Kasama si De Venecia sa mga mambabatas na nagsanib-puwersa upang amyendahan ang batas na sumasaklaw sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC, upang hindi lamang mga pananim kundi maging ang mga produktong mula sa palaisdaan at pangisdaan ay mabigyan ng insurance protection laban sa pagkalugi dulot ng mga kalamidad.
Mahalaga ang panukalang ito para sa mga lalawigan tulad ng Pangasinan, partikular sa ikaapat na distrito, kung saan malaking bahagi ng kabuhayan ng mga residente ay nakasalalay sa pagsasaka at pangingisda.
Kabilang sa mga pangunahing produktong agrikultural sa distrito ang palay, mais at iba pang high-value crops, habang malaking bahagi rin ng kabuhayan sa Dagupan at mga baybaying lugar ang nagmumula sa aquaculture at pangisdaan.
Bukod sa insurance coverage para sa mga pananim at produktong pangisdaan, nakapaloob din sa panukala ang tulong para sa pagkukumpuni ng mga nasirang sakahan at palaisdaan.
Naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 10365 noong Agosto 12, 2026, at ipinadala na sa Senado noong Agosto 13 para sa kaukulang aksiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










