CLEARING OPERATIONS, ISINAGAWA SA MALASIQUI; MGA VENDOR, BINIGYAN NG ALTERNATIBONG PWESTO

Nilinaw ni Malasiqui Vice Mayor Dang Macaraeg Mamaril na ang mga pinaalis sa isinagawang clearing operations sa bayan ay ang mga ambulant vendors na hindi sumusunod sa mga itinakdang panuntunan sa tamang pwesto ng pagtitinda.

Sa ibinahaging pahayag ng bise alkalde, tiniyak nito na binibigyan ng disente at maayos na pwesto ang mga maliliit na negosyante upang patuloy na makapagtinda nang maayos.

Hinikayat din ni Mamaril ang sinumang may katanungan o nais linawin kaugnay ng operasyon na personal na magtungo sa kanilang tanggapan upang mapakinggan ang kanilang mga saloobin.

Isinagawa ang clearing operations sa tulong ng PNP, traffic enforcers, market guards, Engineering Department, General Services Office o GSO, at Department of Public Works and Highways o DPWH.

Kabilang sa nilinis ang mga lugar na hindi dapat gawing puwesto ng pagtitinda, gaya ng waiting shed na ginagamit ng mga estudyante at pasahero sa paghihintay.

Bukod dito, sinimulan na rin ang pagpipintura ng mga linya sa palengke bilang marka ng hangganan ng mga maaaring paglagyan ng display na paninda.

Layunin nitong mapanatiling maayos at maluwag ang mga daanan sa palengke para sa mas maginhawang paggalaw ng mga mamimili. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments