Mawawalan ng suplay ng kuryente ang malaking bahagi ng bayan ng Malasiqui at siyam na barangay sa San Carlos City sa Sabado, Nobyembre 21, 2026, bunsod ng nakatakdang maintenance at pagpapahusay sa mga linya ng kuryente.
Ayon sa power advisory na inilabas ng Central Pangasinan Electric Cooperative, Inc. (CENPELCO), isasagawa ang power service interruption mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon upang bigyang-daan ang mga kinakailangang pagkukumpuni at pagsasaayos sa kanilang distribution lines.
Kabilang sa mga nakatakdang gawain ang pagpapalit ng mga linya ng kuryente mula Bare ACSR No. 2 at 2/0 patungong Bare ACSR 4/0, pagpapalit at paglilipat ng mga poste, pagkukumpuni sa mga depektibong cut-out at tumatagas na insulators, gayundin ang paglilinis sa mga right-of-way area.
Sa Malasiqui, saklaw ng pagkawala ng kuryente ang halos buong munisipalidad, maliban sa mga barangay ng Olea, Gatang at Waig.
Apektado rin ang bahagi ng Nalsian Norte, partikular ang Sitio Don Gorio at Sitio Kamagaan.
Samantala, sa San Carlos City, kabilang sa mga maaapektuhang lugar ang mga barangay ng Lilimasan, Longos, Coliling, Casbog, Sapinit, Payapa (Sitio Baleg), Tarectec, Cobol at Anlavo.
Pinayuhan ng CENPELCO ang mga residente at establisimyento sa mga apektadong lugar na paghandaan ang pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente at tiyaking ligtas at protektado ang kanilang mga electrical appliances at iba pang kagamitang de-kuryente.
Nagbabala rin ang kooperatiba na posibleng maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga kaysa sa itinakdang oras.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na ituring na laging may kuryente ang mga linya at kagamitang elektrikal sa buong panahon ng maintenance work upang maiwasan ang anumang aksidente.
Humingi naman ng pang-unawa at paumanhin ang CENPELCO sa mga consumer sa posibleng abala na maidudulot ng nasabing power service interruption. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










