Tuesday, May 26, 2026

PCG, nagbabala sa posibleng pagbagsak ng rocket debris ng China sa karagatan ng Hilagang Luzon

Pinag-iingat ng Philippine Coast Guard ang publiko kaugnay sa posibleng pagbagsak ng mga rocket debris ng China sa Hilagang Luzon.

Ayon sa PCG, isasagawa ang rocket launch ng Long March 7A sa Wenchang, Hainan bukas ng madaling araw sa pagitan ng alas-12:08 ng hatinggabi hanggang 1:12 AM.

Ilan sa posibleng pagbagsakan ng debris ay sa 41 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte at 62 nautical miles mula Dalupiri Island sa Cagayan.

Itinuturing namang drop zone 2 ang karagatang nasa layong 69 nautical miles mula Burgos, Ilocos Norte at 81 nautical miles mula Dalupiri Island sa Cagayan.

Dahil dito, pinapayuhan ng PCG ang mga mangingisda at ibang mga maglalayag na iwasan ang naturang bahagi ng karagatan at sa mga nasabing oras at manatiling alerto sa anumang makikitang kahina-hinalang bagay na palutang-lutang.

Sakali anilang may makitang ganitong bagay ay agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na PCG station at mga awtoridad.

Pinaiiwas din ang publiko sa paglapit sa hinihinalang rocket debris dahil sa posibleng panganib.

Facebook Comments