
Ngayong araw ay ipamamahagi na ng Commission on Elections (COMELEC) ang nasa 110,000 na automated counting machines (ACM) kasama ang mga official ballot na gagamitin sa midterm election sa darating na ika-12 ng Mayo.
Sinabi ng Comelec na dapat bago mag-Mayo 5 ay nakarating na ang mga ACM at official ballots sa kani-kanilang lugar para sa gagawing final testing at sealing sa ika-6 ng Mayo.
47,000 na ACM ang sumailalim sa pre-election logic and accuracy tests o tinatawag na pre-LAT at inaasahang matatapos ito sa ika-20 ng Abril.
Sinabi ng Comelec na nakapag-imprenta sila ng kabuuang 68,542,564 na official ballots, 18 milyong balota ang napapailalim na sa beripikasyon at ang mga ito ay direktang ibibigay sa city treasurer ng isang lungsod o munisipalidad.
Ang listahan ng mga botante o ang election day computerized voter’s list ay naipamahagi na rin.
Ang mga kagamitan sa halalan kagaya ng mga ballot box, mga baterya at iba pang mga kinakailangan sa halalan ay nai-deploy na sa mga regional hub ayon sa Comelec.