
Kinalampag ng mga senador ang ilang mga ahensya na tugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga kabataan matapos ang nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Senator Loren Legarda, habang patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente, mahalagang paigtingin ang mga hakbang para tugunan ang mga hamon sa mga kabataang nasangkot sa krimen tulad ng karahasan, mental health concerns at access sa armas.
Tinukoy ni Legarda na nahaharap tayo ngayon sa mabigat at nakakabahalang katotohanan, na ang mga suspek sa krimen ay mga minor at kailangang harapin ang mga warning signs at ang tulong na kailangan ng mga kabataan bago mahuli ang lahat at maiwasan ang kahalintulad na paggawa ng karahasan.
Hinimok ni Senator JV Ejercito na balikan ang mga umiiral na batas partikular ang pagmamay-ari ng baril at pagpapaigting ng kampanya laban sa loose firearms sa bansa.
Pinaiigting din ng senador ang koordinasyon ng Philippine National Police, Department of Education, at mga lokal na pamahalaan para sa pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan tulad ng security protocols at crisis management sakaling maharap muli sa kaparehong insidente.
Pinarerepaso naman ni Senator Joel Villanueva ang school-safety at threat assessment protocols sa buong bansa kabilang dito ang pagtukoy at pagresponde sa mga early warning signs ng karahasan, mas maayos na koordinasyon sa mga paaralan, mga magulang at mga local governments, pagpapatupad ng batas, pagpapalawak ng anti-bullying at conflict-resolution programs at updated na emergency plans sa bawat paaralan.










