Monday, June 22, 2026

OWWA, nagpaliwanag sa pagpapatupad ng 6-hour policy sa mga OFW lounge

Nagpaliwanag ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pinaiiral nilang 6-hour policy sa mga OFW Lounge.

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, araw-araw ay humigit-kumulang 4,000 hanggang 6,000 OFWs ang umaalis ng bansa.

Pero 216 lamang aniya ang kapasidad ng OFW Lounge sa NAIA Terminal 3 at 140 naman sa Terminal 1 kaya kinakailangan nilang limitahan ang oras ng pananatili ng OFWs sa lounge.
Sinabi ni Caunan na may mga pagkakataong napupuno ang lounge dahil may mga OFW na dumarating sa OFW lounge nang higit 12 oras bago ang kanilang flight.

May ilan din aniya na dumarating sa OFW lounge isa o dalawang araw bago ang kanilang departure.

Bunga nito, may mga OFW na malapit nang bumiyahe ang hindi na nabibigyan ng pagkakataong magamit ang lounge dahil puno na ang pasilidad.

Ipinaliwanag pa ni Caunan na ipinatutupad ang nasabing patakaran para maging patas sa lahat at mas maraming OFW ang mabigyan ng pagkakataong makinabang sa mga lounge.

Facebook Comments