Wednesday, May 13, 2026

BABALA SA ILEGAL NA BENTAHAN NG SUBDIVISION LOT SA SAN CARLOS CITY, INILABAS NG MGA AWTORIDAD

Naglabas ng paalala ang mga awtoridad hinggil sa tumataas na kaso ng bentahan ng umano’y ilegal na subdivision lot sa San Carlos City na walang sapat na permit at kaukulang dokumento.

Ayon sa advisory, ginagamit umano ng ilang nagbebenta ang “pre-selling” scheme upang makahikayat ng mamimili kahit wala pang kinakailangang approvals mula sa mga kinauukulang ahensya. Kabilang sa mga pangunahing red flags ang kawalan ng License to Sell (LTS), development permit, at conversion documents para sa mga lupang agricultural ngunit ibinebenta bilang residential.

Binigyang-diin din na hindi sapat na mother title lamang ang ipinapakita sa mga transaksyon, lalo na kung wala pang malinaw na subdivision approval at zoning clearance. Pinayuhan ang publiko na maging mapanuri sa mga alok na sobrang mura o minamadaling bentahan upang maiwasan ang posibleng panloloko at pagkalugi.

Sa ilalim ng Presidential Decree 957 at BP 220, ipinagbabawal ang pagbebenta ng subdivision lots nang walang kaukulang License to Sell mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Samantala, nakasaad naman sa Republic Act 11201 na ang DHSUD ang pangunahing ahensyang nangangasiwa sa regulasyon ng housing at subdivision developments sa bansa.

Hinihikayat ang mga mamimili sa San Carlos City na magsagawa muna ng beripikasyon sa DHSUD, City Planning and Development Office, at Zoning Office bago pumasok sa anumang transaksyon sa pagbili ng lupa upang matiyak ang legalidad ng proyekto at maprotektahan ang kanilang puhunan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments