Saturday, May 9, 2026

Higit P220-B na pondo ng PhilHealth, ipinalalabas ng isang senador

Ipinalalabas ni Senator Loren Legarda sa Ehekutibo ang P220.39 billion na pondo ng PhilHealth na matagal nang iniipit at hindi pa naibibigay hanggang ngayon.

Kaugnay ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isauli sa PhilHealth ang P60 billion na kinuha ng national government para gamitin sa mga proyekto ng gobyerno.

Bahagi ng halaga ang P113.44 billion na naipong buwis noong 2023 hanggang 2025 mula sa sin taxes o buwis sa mga produktong tabako, alcohol at matamis na inumin; at ang P106.95 billion na kontribusyon sa PhilHealth ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ayon kay Legarda, Vice Chairman ng Committee on Finance, marapat na ibuhos na sa PhilHealth ang nakalaang pondo para sa ganap na pagpapatupad ng Universal Healthcare Program.

Naniniwala ang senadora na hindi lubos na maipapatupad ang programa kung paunti-unti o atrasado ang paglalabas ng pondo.

Ilang beses niyang inilapit sa ehekutibo ang tungkol dito sa budget ng PhilHealth subalit wala pa ring nagagawa.

Facebook Comments