Ayon kay Oliver Narvasa, isang bangus grower sa lungsod, naging mahalaga ang maagap na paghahanda upang maiwasan ang pagkalugi at pagkawala ng kanilang mga alagang bangus sa palaisdaan.
Sa kasagsagan ng bagyo at habagat, naglagay umano siya ng mga lambat sa paligid ng palaisdaan upang mapigilan ang pagkalat o pagtakas ng mga bangus sakaling umapaw ang tubig.
Sa halip na magbenta sa panahong mababa ang presyo, pinili muna ni Narvasa na protektahan at i-secure ang kanyang palaisdaan upang maiwasan ang malaking pagkalugi.
Sa ngayon, unti-unti na umanong nakababalik sa normal ang kanilang kabuhayan kasabay ng pagbuti ng kondisyon ng kanilang palaisdaan at kalakalan.
Ibinahagi rin ni Narvasa ang isa sa mga paraan na aniya’y nakatutulong upang lumaki nang maayos ang kanilang mga bangus—ang pagkakaroon ng sapat na lumot sa palaisdaan.
Samantala, naghahanda na rin siya para sa paparating na tagtuyot, kung kailan mas magiging mahalaga ang pagkakaroon ng sapat at maayos na suplay ng tubig para sa kanilang palaisdaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







