Thursday, September 24, 2026

₱4 DAGDAG SA PRESYO NG LPG, POSIBLENG MULINGTUMAAS SA OKTUBRE

Nagpatupad ng dagdag-presyo na ₱4 kada kilo sa liquefied petroleum gas o LPG nitong Setyembre 22, kasunod ng patuloy na sigalot sa Middle East at paghina ng halaga ng piso kontra dolyar.

‎Katumbas ito ng dagdag na ₱44 sa karaniwang 11-kilogram na tangke ng LPG.

‎Sa Dagupan City, nasa ₱1,250 hanggang ₱1,350 ang presyo ng 11-kilogram na LPG, depende sa tatak at lugar ng bentahan.

‎Inaasahang mararamdaman ng mga konsyumer ang dagdag-gastos, lalo na’t may posibilidad pang madagdagan ang presyo sa mga susunod na linggo.

‎Ayon kay Mary Cris Manuel, isang LPG retailer sa Dagupan, ramdam na rin nila ang epekto ng pagtaas ng presyo dahil nababawasan ang kanilang kita mula sa pagtitinda.

‎Aniya, patuloy nilang mino-monitor ang galaw ng presyo dahil nakaamba pa rin ang panibagong taas-singil.


‎Samantala, sinabi ni LPG Marketers Association President Arnel Ty sa isang panayam sa radyo na pinag-aaralan nila ang posibleng pagtaas ng presyo ng LPG ng ₱10 hanggang ₱25 kada kilo sa buwan ng Oktubre.


‎Ayon kay Ty, kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ang patuloy na sigalot sa Middle East, na nakaaapekto sa gastos sa pagbiyahe at freight cost ng produktong LPG.

‎Kung matutuloy ang panibagong dagdag-presyo, maaari itong higit pang magpataas sa gastusin ng mga kabahayan at negosyong gumagamit ng LPG. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments