Sampung bangus ang nakuha sa palaisdaan noong Setyembre 20, 2026, na tumitimbang mula tatlong kilo hanggang anim na kilo bawat isa.
Dito sa palaisdaang ito sa Barangay Bonuan Binloc nakuha ang mga naglalakihang bangus na tumitimbang mula tatlong kilo hanggang anim na kilo ang isa.
Ayon sa may-ari ng palaisdaan na si Victor Reyno Hinyo, nagsimula itong maging operational noong 2017 matapos niyang bilhin ang naturang lupa.
Aniya, hindi ganito kalalaki ang kanilang mga nakukuhang bangus noon, ngunit dahil sa patuloy na pag-aalaga at pagtitiyaga ay nakapag-produce sila ng malalaki at de-kalidad na isda.
Dagdag ni Hinyo, plano pa nilang mas palakihin ang mga bangus na inaalagaan sa kanilang palaisdaan.
Samantala, ayon kay Oliver Narvasa, caretaker ng fishpond, umabot ng isang taon bago maabot ng mga bangus ang kanilang kasalukuyang laki at timbang.
Aniya, nasa 3.5 kilo ang pinakamaliit habang umabot naman sa 5.7 kilo ang pinakamalaki, na naibenta sa halagang 150 piso kada kilo.
Ayon kay Narvasa, hindi naging madali ang pagpapanatili at pagpapalaki sa mga bangus, ngunit nagbunga ang kanilang patuloy na pagtitiyaga at pag-aalaga.
Patuloy naman ang kanilang pag-aalaga sa mga natitirang isda, kabilang ang nasa isang daang bangus na kasalukuyang tumitimbang ng tig-iisang kilo.
Samantala, nagsasagawa rin sila ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga alagang isda laban sa tuloy-tuloy na pag-ulan at pagtaas ng tubig sa palaisdaan.
Hangad ng mga nag-aalaga na patuloy pang gumanda at lumaki ang kanilang mga susunod na harvest, na anila’y patunay sa potensiyal ng Dagupan City bilang tahanan ng naglalakihang bangus. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







