Saturday, October 24, 2026

NGITING HINDI MATUTUMBASAN: 2 BATANG PWD SA CALASIAO, MAY BAGONG WHEELCHAIR

Isang simpleng handog ang naging malaking bagay para sa dalawang batang Person with Disability o PWD sa Barangay Malabago, Calasiao, Pangasinan.

Kapwa apat na taong gulang sina Zhyrus Jhey P. Oliveros at Angelica G. Dela Cruz nang makatanggap sila ng bagong wheelchair mula sa kanilang barangay, sa tulong ng isang anonymous donor.

Sa munting regalong ito, mas magiging komportable at maginhawa ang kanilang paggalaw sa kanilang pang-araw-araw na gawain.

Hindi lamang para sa mga bata naging mahalaga ang handog, kundi maging sa kanilang mga pamilya na patuloy na nag-aalaga, umaalalay at tumutugon sa kanilang mga pangangailangan.

Para kina Zhyrus at Angelica, kapalit ng bagong wheelchair ang matamis nilang mga ngiti—isang simpleng larawan ng saya at pag-asa na naihatid ng malasakit ng kanilang komunidad.

Sa likod ng munting handog, muling nasasalamin ang diwa ng bayanihan at malasakit—na sa simpleng pagtulong, maaaring makapagbigay ng ginhawa at maipadama sa isang bata na siya ay mahalaga at hindi nakakalimutan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments