Barangay Tanod, Tinaga ng Sariling Anak sa Nueva Vizcaya!

1235

*Cauayan City, Isabela-* Inoobserbahan pa rin ngayon sa pagamutan ang isang barangay Tanod matapos itong tagain ng kanyang sariling anak sa Barangay Calaocan, Quezon, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj. Jobs Videz, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), ang biktima ay nakilalang si Herminio Andres, 64-anyos, may-asawa, at residente ng Purok #2, Calaocan, Quezon, Nueva Vizcaya habang ang suspek ay si Marvin Andres, 45-anyos, may-asawa, laborer na residente rin ng nasabing lugar.


Una rito, ang suspek ay nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin at naghahamon at nanggugulo sa kanilang tahanan lalo na sa kanyang ama na biktima.

Pilit na pinakakalma ng ama ang kanyang anak subalit hindi ito nagpaawat hanggang sa mataga ito sa kanyang kanang balakang.

Saktong napadaan naman ang mga barangay opisyal at tanod na kasamahan ng biktima kaya’t agad na narespondehan ang biktima at nadala sa pagamutan.

Agad naman hinuli ng mga barangay opisyal ang suspek at ipinasakamay sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.

Facebook Comments